By E. Maestro
Matanda na ako. Maputi na ang aking buhok. Testigo at kalahok ako sa unang EDSA People Power Uprising noong Pebrero 22-25, 1986. Mahirap isipin na apat na dekada na ang nagdaan mula ng pinatalsik ng mamamayang Pilipino si diktador Marcos, ang kaniyang asawa at unang ginang na mas kilala sa pag-aari ng sangkatutak na sapatos, ang kanilang mga anak na si Dayunyor, si Imee at si Irene. Mahirap isipin na nakabalik sa Malacanang si Dayunyor! Naisip ko, ano kaya ang nasa isip ni Dayunyor sa araw na ito, ang day of shame, ang araw ng kahihiyan ng mga Marcos? Siguro pakapalan na lang ng mukha. (Kasi kung talagang Golden age ang rehimen ng diktador Marcos, bakit sinipa kayo?)
Sa ika-40 na anibersaryo ng EDSA People Power uprising, magmamartsa ang taumbayan sa EDSA. At sa iba’t ibang siyudad sa Pilipinas at maging sa maraming siyudad sa labas ng bansa.
Hindi naman naiba ang buhay ng mamamayang Pilipino dahil sa EDSA people power. Alam ko, napahinto ang mga tangke sa kalsada, nagbigayan ng bulaklak, nagkantahan sa EDSA, umulan ang konfeti galing sa mga gusali sa Makati, nagsuotan ng kulay dilaw ang maraming tao at nakilala ang Pinoy sa buong mundo dahil sa EDSA. Naku, ang laki ng pag-asa sa presidenteng Cory Aquino na magkakaroon ng pagbabago sa lipunan, ngunit ang ang laki rin ng pagbagsak ng ating pag-asa.
Nandoon na ako na talaga namang pinalaya niya ang mga bilanggong pulitikal dahil isa iyon sa mga hiningi ng taumbayan at siyempre, dati ring bilanggong pulitikal ang kaniyang kabiyak na si Ninoy.
Hawak ni Cory Aquino bilang Pangulo dahil sa People Power ang kapangyarihan na ipatupad ang tunay na reporma sa lupa para sa mga magsasaka at gawin niyang halimbawa ang Hacienda Luisita. Pero hindi nangyari ito. Pwede rin sana na pinagwalang bisa niya ang mga unfair treaties na yumuyurak sa soberaniya ng Pilipinas. Maari rin sana niyang kinansela ang mga utang ng diktador Marcos sa mga dayuhang institusyon tulad ng IMF at WB. Hindi rin niya nabuwag ang mga politikal na dinastiya. Walang naparusahan sa mga kasangkot (militar, mga opisyales, warlords, etc.) sa mga krimen sa paglabag sa karapatag pantao, ang mga human rights violators. Naging matapat si Cory Aquino sa kaniyang uring pinagmulan. Ang mga oportunistang naglipana mula sa gobyerno ni Marcos tungo sa kampo ni Cory Aquino, tulad nina Juan Ponce Enrile at Fidel Ramos dahil tantiya nila na talo na ang kampo ni Marcos at panalo na ang laban ni Cory, ang naging mga adviser niya. Kung kaya naman, ang mga kontra-mamamayan na batas at patakaran ng rehimeng Marcos Sr. ay nagpatuloy at ang paggamit ng dahas at pasismo ay nagpatuloy pa rin. Huwag nating kalimutan ang Mendiola massacre noong Enero 22, 1987 na kung saan pinagbabaril ng militar ng estado ang mga magsasaka na nagmartsa sa Mendiola na gusto lang na pakinggan sila ni Cory Aquino. Maraming nasugatan, 13 ang magsasakang namatay. Walang hustisya hanggang ngayon. Ang paggamit ng dahas ng rehimeng Cory Aquino ay walang pinagkaiba sa diktador Marcos! At lalo nang walang pinagkaiba ang lahat ng mga sumunod na mga presidente. Nakakagalit. Nakakalungkot.
Patuloy ang kahirapan. Ang mga tratado at kasunduan sa US at ibang bansa na lalo lamang yayakagin ang Pilipinas sa kanilang mga giyera, at mga conflict, atbp. ay pasan ng taumbayan. Patuloy ang pagdagsa ng mga mining application at mga mining at development project na sisirain ang kabuhayan, lupa, tubig, gubat natin, lalo na ang ating mga indigenous na komunidad. Huwag nating kalimutan na hindi pa naibabalik ang yamang ninakaw ng mga Marcos.
Ang nagbago lamang ay lalong yumaman ang mga bilyonaryo sa Pilipinas habang ang sahod ng manggagawa ay napako na sa sahod na hindi nakabubuhay. At dahil walang kabuhayan pa rin sa atin, halos 7000 na kababayan natin ang umaalis KADA ARAW para makipagsapalaran sa trabaho sa labas ng bansa. Ang Labor Export Policy ni Marcos Sr. ay buhay na buhay pa rin sa sapilitang migrasyon ng ating mga kababayan. Kaya libo libong migranteng manggagawa, mga caregiver, temporary foreign worker, international student ang narito sa Canada.
Pero huwag ka. Ang 1986 EDSA uprising ay patunay na ang lakas ay nasa taumbayan kapag tayo ay nagkaisa at kolektibong kumilos. Patunay rin ito na kailangan panagutin ang mga Marcos, ang mga Duterte, at marami pang iba sa kanilang mga kasalanan, noon at ngayon. Kailangang ilantad natin ang pasismo, ang korapsyon, at ang pagsusunod-sunuran ng rehimeng Marcos sa US, sa dayuhang mga higanteng korporasyon. At sino ang pumirma sa pambansang badyet na naging daan para mangolekta ng pork barrel, kickback, magkaroon ng mga insertion, para magnakaw ang mga nasa poder at ipagwalang bahala ang ating mga mamamayang tinamaan ng baha, kahirapan, at kawalan ng serbisyo? E di ang pangulo, si Dayunyor. Marcos Sr noon, Marcos Jr ngayon, wala pa ring nagbago sa bayan.
Ang mga martsa at pagkilos sa paggunita sa EDSA people power uprising ay para igiit na tuloy ang laban, ang paniningil. Kailangang managot ang mga sangkot, mula sa tuktok. At dapat makulong ang mga iyan. Mula sa tuktok ng “mabahong bundok ng korapsyon” ayon sa Bagong Alyansang Makabayan.
Magmamartsa tayo para sa pananagutan at tunay na pagbabago hindi lang sa Pebrero kundi lagpas pa sa Pebrero! Kung pagbabago, sino ang ipapalit dahil lahat sila korap. Tama naman iyan, pero ibahin natin ang tanong, ano ang kaya natin at dapat nating ipalit sa bulok na sistema na iyan? Hindi ang mga pulitiko ang gagawa niyan, kundi ang taumbayan. Hindi magkatugma ang interes ng mga nasa poder, ng mga bilyonaryo sa hangad at interes ng taumbayan.
Buhay ang diwa ng EDSA at dapat mayanig ang mga korap na dapat makulong – dahil matindi ang baha na darating sa EDSA at pagkatapos ng EDSA.
Buhay ang diwa ng EDSA. Buhay ang ating mga pangarap na makamit ang tunay na demokrasya, kalayaan, maginhawang pamumuhay na taumbayan.
Photo Credits: Top: Bagong Alyansang Makabayan FB page; Bottom: L-R :Kilusang Magbubukid ng Pilipinas FB Page; Kilusang Mayo Uno FB page











Leave a comment