Posted by ReyFort Media (Tinig Migrante)
Natuwa ako sa online graphic na ito na nagsabi: “They tried to hide their CORRUPTION. And then God sent the RAIN.”
Bumaha ang mga akusasyon sa mga hearing sa Kongreso. Hindi lang daw mga kontraktor. Hindi lang daw ang mga opisyal at inhinyero ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Kasama na rin ang mga mambabatas sa mga probinsiya at lungsod, mga senador at kongresista. Tanong ng bayan: Paano mag-iimbestiga ang mga mismong kasangkot sa korapsyon o may bahid ng korapsyon?

Pinatunayan ng mga testimonya ng mga kasangkot tulad ng mga Discaya na ang korapsyon sa mga government project ay mula sa baba hanggang sa itaas. Ginawang normal at hindi kriminal ang magnakaw sa gobyerno at sa taumbayan, ang magpakasasa sa nakaw na yaman at ang walang hiyang pagyayabang sa social media sa kanilang mga mamahaling kotse (at kotseng may payong!), mga damit, sapatos, at bag at kung anu-ano pang mga luho. Habang ang mamamayan ay lumulusong sa baha para pumasok sa escuela at trabaho, habang ang baha ay umaabot na sa mga loob ng bahay, at nagmistulang mga ilog at sapa ang mga kalsada at kalye. Kulang na lang ay maglabasan ang mga sirena at siyokoy!
Pinatunayan rin na may pera nga ang gobyerno kung maayos at mabuti ang paggamit nito para sa ating ekonomiya at sa basic services ng bayan, at hindi ninanakaw! Ngunit sa halip, ang bilyon-bilyong pera ay ninakaw at binulsa sa prente ng mga flood control project kuno. Tapos, hindi makuha ng pangulo at mga mambabatas ang itaas ang sahod ng mga manggagawa? Na bigyan ng ayuda at subsidy ang mga magsasaka? Na ayusin ang problema ng baha dahil, dios ko naman, 19-20 ang mga bagyo na bumabagsak sa Pilipinas taon-taon.
Nagkaroon ng pagpalit ng mga opisyal sa Senado. Pinalitan ang nakaupo sa DPWH. Umiyak daw ang presidente. Galit na tumindig ang mga mambabatas na “hindi tutoo ang mga paratang na iyan!” at maghahabla daw sila sa mga nag-aakusa sa kanilang di-umano’y malilinis na pangalan(!) pagkatapos na magpostura sila na galit na galit sila sa korapsyon!

Pero sapat ba iyon? Nagmimistulang palabas ang mga ito.
Ayon sa Philippine Center of Investigative Journalism (PCIJ): “For the past 20 years, across four presidential terms, the same contractors have been awarded the largest public works contracts. Whether the president is a Marcos, a Duterte, an Aquino or an Arroyo, many politically well-connected firms have outbidded all others, cornering a disproportionate chunk of the lucrative public works projects funded from the people’s taxes.” (Sa loob ng nakaraang 20 taon, sa apat na termino ng pangulo, ang parehong mga kontraktor ang binigyan ng pinakamalalaking kontrata sa pampublikong proyekto. Kahit ang pangulo ay Marcos, Duterte, Aquino o Arroyo, maraming kumpanya na malakas ang koneksyon sa pulitika ang nakakuha ng kontrata kaysa sa iba, nakakuha ng sobrang labis na bahagi ng mga proyektong pampubliko na pinopondohan mula sa buwis ng taumbayan.)
Ibig sabihin nito ay hindi inosente ang mga mambabatas dito. Kunyari, tila nagugulat sila sa labis na pagmamalabis ng mga Discaya at ng kanilang mga katulad. Ngunit matagal na nilang alam at kadalasan ay sangkot sila sa mga ganitong anomalya.
Sa susunod na bagyo at ulan, lulusong na naman ang kababayan natin sa baha. Balik muli tayo sa deka-dekadang problema na nangyayari sa ating bansa.
Tama lamang na magalit ang taumbayan. Walang magrereklamo sa panawagang “Bahain ng protesta ang korap at pabaya” at ilantad ang kawalan ng pananagutan. Mahirap umasa ang bayan sa isang gobyerno na ang kalakhan ay bulok at sa mga mambabatas at mga opisyal sa loob nito na yumaman at tumaba ang mga bulsa sa korapsyon. Maging lalong mapagbantay tayo na ang usaping ito ay hindi magamit sa pansariling interes laban sa mga karibal na paksyon sa politika.
Ngunit kailangan rin na maintindihan at malaman na ang mga pangyayaring ito ay may pinagmulan sa bulok na sistema na tinatawag na burukrata kapitalismo. Ang korapsyon ay isang mukha lamang ng burukrata kapitalismo, na inilalantad kung paano ginagamit ng mga nasa burukrasya o pamahalaan ang kanilang posisyon upang kumita, mag-kamal ng yaman, at palawakin ang kanilang impluwensya sa pamahalaan.
Ano naman ang kinalaman ng problemang ito sa mga OFW? Kapag nilulustay ang mga pondong pampubliko sa mga guni-guning proyekto at sa korapsyon, sa halip na tulungan ang mga OFW, ang kanilang mga pamilya at ang bayan, aba, para na ring lumulusong sa baha ang mga OFW sa karumal-dumal na nangyayari sa Pilipinas.
Mahalaga na ipakita at isigaw ang galit ng mamamayan sa mga nangyayari at gawin itong malawakang pagkilos laban sa katiwalian at pagkilos para sa tunay na pag-unlad at kabutihan sa serbisyo ng taumbayan.
Kaya, Bahain ng protesta ang korap at pabaya!###
Photo credit: gracelocsin@gracelocsinph
Pic 2: Photo credit: Anakbayan











Leave a comment