By E. Maestro (Posted by ReyFort Media)
Naku po.
Sa nangyaring desisyon ng dismissal ng Korte Suprema sa kaso ng impeachment laban sa VP Sara Duterte, ang tanong ay: may liwanag pa ba, may pagkakataon ba na matuloy ang impeachment process laban kay VP Sara Duterte? O wala na nga ba?
Sa nangyaring pagkilos ng Senado, sa ilalim ni Senate President Chiz Escudero, na inupuan ang impeachment proceedings at nagbigay ng bagong kahulugan sa salitang Ingles na “forthwith” at ang pagbitiw ng desisyon sa pag-”archiving” sa kaso, nagtatanong ang taumbayan, ano na? Patay na ba ang kaso ng impeachment? Hindi daw, natutulog lang daw. Sabi naman ng isang pilosopo, nasa “coma” na daw. Bottom line, malinaw na sasagkaan ng Senado na matuloy ang anumang impeachment process laban kay VP Sara.
Maraming nagulat, nagalit, nagkamot ng ulo, nagtanong. Mula sa mga abogado, mga dating miyembro ng Supreme Court, mga propesor sa abogasya, mula sa midya, mula sa mga people’s organizations, mula sa taumbayan.
Patay na ba ang panawagan na panagutin ang VP Sara sa katiwalian niya? May nagsumite na ng Motion for Reconsideration (MR) sa Korte Suprema. Susubaybayan natin kung ano ang kahihinatnan nito.
Kung masusunod ang ruling ng Korte Suprema, aba, lalong mahirap ang paniningil ng accountability sa mga nanunungkulan sa gobyerno, pahirapan na panagutin ang mga may kaso ng graft at corruption, lalo na sa mga nasa matataas ang posisyon. Ang sabi pa ng iba, halos imposible na. Matutuwa ang mga nasa poder sa ruling ng Korte Suprema. Kasi hindi basta basta sila makakasuhan, at bilib sila na matibay ang kapit nila sa kanilang mga posisyon kahit na may katiwalian sila laban sa interes ng taumbayan.
Public officials must be accountable to the people at all times. At kung sasagkaan ito ng mga nasa poder, tandaan natin na maniningil ang taumbayan. Sa paghawak ng taumbayan sa kanilang kapangyarihan, sa kanilang people power. Tiyak na panghahawakan ng taumbayan para itama ang mali, at para panagutin ang magnanakaw, ang korap, ang kaaway ng bayan.
Ayon sa Spokesperson ng Prosecution Panel ng House of Representatives Atty. Antonio Bucoy, ang “motivation ng impeachment ay hindi kontra Sara, kundi kontra katiwalian.” Tama naman, di ba? Ang impeachment ay isinusulong dahil sa kailangan may managot sa kasalanan sa bayan. Ang usapin ay ang krimen ni Sara sa bayan, kaya panagutin niya.
Ayon sa Presidente ng Bagong Alyansang Makabayan Renato Reyes, Jr, “ it is the narrowing of the impeachment path which opens up other avenues of struggle. It is this very tragic outcome that exposes how rotten the system of bureaucrat capitalism is, and why the people must build their own power and work to change the entire corrupt ruling system.” (Ang pagkitid ng proseso ng impeachment ay nagbubukas ng ibang larangan ng pakikibaka. Ito ang kinalabasang trahedya na inilalantad kung gaano kabulok ang sistema ng burukrata kapitalismo, at kung bakit kailangang bumuo ang mamamayan ng kanilang sariling kapangyarihan at sikapin na baguhin ang bulok na naghaharing sistema.”
Nanawagan ang BAYAN na magkita-kita sa Agosto 12 sa harap ng Korte Suprema para kalampagin ito at “irehistro ang panawagan para sa pagsulong ng impeachment complaint laban kay Sara Duterte.” Sisingilin ng BAYAN ang “mandarambong sa gobyerno” at ang “mamamayan ang huhusga!” Nais rin ng BAYAN na “ilantad ang sabwatan ng mga korap” para managot ang mga may kasalanan sa bayan.
Ang deklarasyon naman ng mga people’s organizations tulad ng BAYAN ay kung hindi matutuloy ang impeachment proceedings ngayon, itutuloy pa rin ang pag-endorse ng impeachment sa susunod na taon. Pero malinaw ang hamon nila kay VP Sara na ilabas na niya ang kaniyang mga ebidensya at depensa at sagutin niya ang tanong ng taumbayan:
Ano ang ginawa mo sa confidential funds? Saan mo dinala ang pondong ito?
Kahit na ano pa ang mangyari, kahit na mahaba ang panahong abutin, nakakatiyak tayo na:
Ang Mamamayan ang Huhusga.













Leave a comment