Posted by ReyFort Media (Tinig Migrante)
Habang sinusulat ko ang kolum na ito, balita ang matinding baha sa Maynila, Marikina, Bulacan at karatig na mga lugar, pati na rin ang mga lugar sa Kabisayaan dahil sa bagyong Crising at ng ulang habagat.
At dahil darating na naman ang panahon ng SONA o State of the Nation Address na gagawin ng nakaupo sa Malacanang sa July 28, may mga ilang tanong lang ako tungkol sa kalagayan ng bayan, ng mamamayan.
>Saan napunta ang (o mas tumpak ba na sabihing sino ang nagnakaw ng) pera ng flood control project na ipinagyayabang ng gobyernng Marcos Jr. At bakit sa bawat delubyo at bagyo na dumarating ay mistulang dagat ang mga siyudad natin? Isa pa, sa dami ng mga nasalanta, di kagyat at makupad ang pagtulong ng gobyerno sa mga biktima ng baha at napilitang lumikas na sa ibang lugar.
>Nakahanda na ang 13,000 pulisya ng PNP para sa darating na People’s SONA sa July 28. Overkill naman yata iyan, dapat iyan pinapadala para hulihin ang mga magnanakaw (sabagay mahirap hulihin ang mga nagnanakaw sa kaban ng bayan na nasa kongreso) o dili kaya naman ay dalhin sila sa mga lugar na may baha at mag-distribute ng mga ayuda. Shout out sa mga kinauukulang organisasyon tulad ng DSWD at Philippine Red Cross. Tularan nila ang mga people’s organizations o serve the people brigade na kumikilos na para tumulong sa ating kababayan.
>Napakahirap lumusot sa Kongreso ang kakarampot na dagdag sahod na Php200 pero naipasa ito, kaya nga lang, pinatay ito ng Presidente at ang dagdag sana ay nawala pa! Ang halagang iyon ay kagyat na wage relief sa mga manggagawa sa harap ng nagtataasang presyo ng bilihin, kuryente, tubig (kahit na walang tumutulo sa gripo, shout out sa Prime Water ng mga Villar), upa sa bahay, gamot, pasahe, at iba pa. Ano ang Php200 sa Canadian dollar? CAD$5! (sa palitan ng CAD1.00 is to PhP 40.00)
Natural na magalit ang mga manggagawa na matagal nang humihingi ng dagdag sahod. Matagal na humihingi na ipatupad na ang matagal nang hinihingi na PhP1200 arawang sahod para sa lahat.
Hinihingi ng mga manggagawa ang sahod na nakabubuhay sa atin pero anti-manggagawa ang pamahalaang Marcos, Jr. dahil binabalewala ito. Kasama na rito ang paghiling ng mga manggagawa sa regularisasyon at hindi kontraktwalisasyon, ang pagrespeto sa pag-oorganisa ng unyon sa halip nai-red tag, ikulong, patayin ang mga unyonistang lider at aktibista.
>Damang -dama ito ng ating overseas at OFW. Dahil kumakalam ang sikmura ng mga manggagawa at ng kanilang mga pamilya, talagang hindi maaring pumalya ang pagpapadala ng remitans.
>Nakakabahala ang pagiging sunud-sunuran ni Marcos Jr sa US. May plano na magtayo ng ammunitions factory at storage facility ang US sa Subic. Paiinitin nito ang banta ng giyera at idadawit ang Pilipinas at taumbayan sa mga giyera ng US. Hindi na sila nagkasya sa pagpasok ng siyam na base militar ng US sa Pilipinas, at sa mga war exercise at mga kasunduan na nagpapakita na talangan utak-alipin ang gobyernong Marcos sa mga kagustuhan ng US. Tumpak nga na tawagin si Marcos, Jr na papet, di ba? Walang tunay na soberanya ang Pilipinas. Kawawang kawawa naman tayo.
> At nakabitin pa rin ang impeachment trial ni VP Sara Duterte. Pwede ba iyon? Kailangan panagutin si Sara Duterte sa nilustay na bilyon-bilyong piso na confidential at intelligence funds. Hindi barya ang pera na iyon! Hindi maliit na kaso ito. Malaking gulo kapag hindi natuloy ang impeachment trial at hindi lumabas ang katotohanan. Natatakot ba ang mga nasa gobyerno na may masilip sa kanila at lumabas ang mabahong amoy ng korapsyon?
Huwag nating kalimutan na si Marcos Jr. ang may pinakamalaking pork barrel. Parang wala ng lunas sa korapsyon dahil ang pamilyang Marcos ay iniiwasan na managot sa kanilang ill-gotten wealth. Katulad ng mga dynastiyang politikal na ginagamit ang posisyon sa gobyerno para magpayaman at magpayaman pa ng husto.
>Taliwas sa paniniwala ng marami, madugo ang human rights record ni Marcos, Jr. Tuloy ang culture of impunity sa ilalim ng rehimeng ito. Patuloy ang pananalakay at paghahasik ng lagim ng NTF-ELCAC gamit ang red-tagging at pagsampa ng pekeng mga kaso sa mga aktibista, peryodista, abogado, estudyante at kabataan, sa human rights defenders, climate justice activists, mga kasapi ng makabayang partylist, atbp.
Napakarami pang mga tanong at obserbasyon. Pero heto na lang muna. Nakakapanggigil, di po ba. Mas alamin at makisalamuha sa malapit na SONA ng Paniningil sa inyong mga siyudad at probinsya.
Heto pala ang mga sigaw ng iba’t ibang sektor ng taumbayan!
Marcos singilin, pangulong pahirap, pasista, pabaya at pahamak!
Litisin si Sara! Panagutin ang lahat ng korap!
Tugunan ang krisis sa kabuhayan! Ibaba ang presyo! Isabatas ang isang national living wage!
Bawasan ang perwisyong buwis! Serbisyo sa tao huwag gawing negosyo!
Hustisya sa lahat ng mga biktima ng mga Duterte at Marcos!
Depensahan ang pambansang patrimonya!
Buwagin ang mga dinastiya! Baguhin ang korap at bulok na sistema!
Ipaglaban ang soberanya! Atin ang Pinas!
Ipaglaban ang tunay na kapayapaan at demokrasya!###
Photo from Manila Bulletin











Leave a comment